Ang Bagong Selpon ni Piyo

Sabik na inilapat ni Piyo ang kaniyang mga palad at ilong sa salaming pader ng isang tindahan ng mga selpon. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at nakabukas pa nang bahagya ang kaniyang mga labi habang isa-isang tinitingnan ang mga selpon na nasa istante sa loob ng tindahan.

“Ang gaganda,” bulong nito habang idinidiin ang mukha sa salamin.

Nasa isang mall si Piyo at ang kaniyang ina upang mamasyal at bumili ng kaniyang inaasam-asam na selpon. Malapit na kasi ang kaniyang kaarawan at ipinangako ng kaniyang ama, na isang OFW, ang regalong iyon.  

Walang pagsidlan ang tuwa ni Piyo. Nagniningning pa ang mga mata nang mahawakan niya ang selpon sa unang pagkakataon. Mas malapad ito kaysa sa kaniyang palad, kulay itim at napakalinaw ng iskrin at ng kamera nito. Ayon sa tindera, ito na ang kanilang pinakabagong modelo.

“Ayos ba, anak?” tanong ng ina.

“Opo, mommy! Astig! Maraming salamat po!” sagot ni Piyo.

* * *

Matapos ang isang buwan, ingat na ingat pa rin si Piyo sa kaniyang bagong selpon. Parati niya itong dala-dala saan man siya magpunta at sinisigurong parati itong malinis.

Ngunit, tila nagbago ang batang si Piyo. Hindi tulad nang dati, ngayon ay parati na lang nakababad sa selpon si Piyo. Hindi na ito lumalabas upang makipaglaro at madalas rin ang hindi niya pagkain sa tamang oras.

“Piyo, anak, lumabas ka na riyan at kakain na tayo,” tawag ng kaniyang mommy na naghahain ng kanilang hapunan.

Wait lang po, mommy!” sagot ni Piyo na giliw na giliw na nanunuod sa kaniyang selpon.

“Anak, lalamig ang pagkain. Halika na,” ulit ng kaniyang ina.

Maya-maya pa ay narinig ni Piyo ang mga yabag ng ina papasok sa kaniyang silid. Tinungo nito ang anak na nakahiga sa kama at kinuha ang  kaniyang selpon at ibinulsa.

“Mommy, ibalik niyo po sa akin iyan!” pag-angal ni Piyo.

Umupo sa kama ang ina at tinignan sa mga mata ang anak na malapit nang lumuha. Huminga siya nang malalim at hinawakan ang mga kamay ng anak.

“Kapag oras ng pagkain, dapat kumain, kapag oras ng matulog, dapat na matulog at kapag oras mag-aral, dapat ka ng mag-aral, Piyo. Hindi ba’t may usapan tayo?” tanong ng ina. “Dahil hindi mo sinusunod ang usapan natin, simula ngayon ay tuwing Sabado at Linggo mo lang magagamit ang selpon mo.”

Mariing sumalungat si Piyo sa desisyon ng ina. Pero wala na itong nagawa pa. Lumipas ang gabi na mabigat ang damdamin ni Piyo. Dahil sa pagsaway niya ay pinarusahan siya ng ina. Ngunit hindi ito maintindihan ni Piyo—bagkus ay nagalit pa siya sa ina.

* * *

Nang mga sumunod na araw, hindi pa rin isinauli ng ina ang selpon kay Piyo. Isang gabi, matapos nilang maghapunan, sinubukan ng anak na hingin ito pabalik.

“Pero mommy, tapos ko na po ang mga homework ko!” pagrarason niya.

“Piyo…” bumuntong-hininga ang ina. “Matuto ka sanang sumunod sa usapan at lalo na sa akin, anak,” mahinahong sabi ng ina.

Pero hindi pa rin ito naintindihan ni Piyo. Muli siyang nagalit sa ina at pumasok na lamang sa kaniyang silid.

Kaya’t nang gabing iyon, nagbalak si Piyo na pasukin ang kwarto ng ina at palihim na kunin ang kaniyang selpon habang siya ay tulog.

Tagumpay ang plano ni Piyo. Nasa kamay niyang muli ang kaniyang selpon. Agad niya itong binuksan at ginamit upang manood ng mga kinaaaliwang bidyo.

Hindi na namalayan ni Piyo ang oras. Patuloy pa rin siya sa panunuod  hanggang sa isang bidyo ang pumukaw sa kaniyang atensyon. Tungkol ito sa isang batang may kapansanan, walang mga braso at mga kamay, na magaling puminta. Parating kasama ng batang pintor ang ina at lubos itong nagpapasalamat sa kaniya.

Biglang naisip ni Piyo ang ina. Alam niyang hindi matutuwa ang ina sa kaniyang ginawa ngunit nagkibit-balikat na lamang siya.

* * *

Kinabukasan, maagang nagising ang bata para maghanda sa kaniyang pagpasok sa paaralan. Dumiretso sa kusina si Piyo para mag-almusal. Ngunit bago pa man tuluyang makarating ang bata sa kusina ay napahinto siya sa nakita. Imbes na ang ina ay isang malaking itim na rektanggulo ang kaniyang nakita.

“Magandang umaga, Piyo! Gising ka na pala. Gutom ka na ba?” bati niya kay Piyo. Nakatalikod ito at tila nagluluto.

“Sino ka?” matapang na tanong ni Piyo.

Sa halip na sumagot, humarap ito kay Piyo at ngumiti. Nanlaki ang mga mata ni Piyo nang makilala ang bagay na iyon. Ang kaniyang selpon ay biglang lumaki, nagkaroon ng mukha, mga kamay at mga paa. May buhay ang selpon niya! Magkahalong gulat at takot ang naramdaman niya.

“Handa ka na bang maglaro buong araw? O manood ng mga bidyo kasama ko? Pwede mo ng gawin ang lahat maghapon!” sabik na sabi ng selpon ni Piyo.

“Nasaan ang mommy ko?” matapang na tanong ng bata.

“Bakit mo pa hahanapin ang wala, Piyo? Nandito naman ako!” sagot ng selpon na humakbang papalapit kay Piyo upang siya ay yakapin.

Napasigaw si Piyo nang malakas at agad na nagtatakbo palabas ng kanilang bahay. Paanong nangyari iyon? Nasaan ang kaniyang ina? Paano lumaki ang selpon niya at nagkabuhay? Hindi siya makapaniwala sa nakita.

* * *

Sige lang sa pagtakbo si Piyo hanggang sa hindi na niya alam kung saan siya napadpad. Nakarating siya sa isang eskinita na noon lamang niya napuntahan. Maraming maliliit na  kabahayan na gawa sa tagpi-tagping yero at kahoy doon. Marami ring mga tao at mga batang naglalaro ng tumbang preso at tagu-taguan.

“Nasaan na ako?” tanong ni Piyo sa sarili habang palinga-linga sa paligid.

“Nandito ka sa ‘Gillage’,” sagot ng isang batang lalaki sa kaniyang harapan na nakaupo sa isang lumang wheelchair.

“Gillage?” ulit ni Piyo.

“Gilid ng village, kaya Gillage,” paliwanag ng batang nakangiti sa kaniya.

Pero hindi na inintindi pa ni Piyo ang kaniyang sinabi. Napako kasi ang atensyon ni Piyo sa kaniyang hitsura. Naalala niya ang napanood kagabi. Wala kasing mga braso, kamay at mga binti ang batang kausap.

“May dumi ba ako sa mukha? Puwede mo bang punasan para sa akin?” pakiusap ng bata kay Piyo.

Biglang natauhan si Piyo sa mga narinig. Umiwas siya ng tingin at tsaka humingi ng tawad sa bata. Pero hindi maintindihan ng bata ang paghingi niya ng tawad.

“Ako nga pala si Elmo. Ikaw? Sa’n ka nakatira?” tanong ng batang si Elmo.

“Piyo ang pangalan ko at nakatira ako sa may subdibsyon malapit dito,” sagot naman niya.

“Naku! Sa looban ka pala nakatira. Siguradong mayaman ka, ano? Marami ka sigurong magagandang laruan?” sabik niyang tanong.

“Hindi naman sa gano’n,” nahihiyang sagot ni Piyo. Muli siyang tumingin sa kaniyang paligid. Higit na malayo ang hitsura ng lugar na iyon sa kaniyang tinitirhan. Maliliit ang kanilang mga bahay at hindi ganoon kalinis ang kanilang paligid.

Tumingin muli si Piyo kay Elmo na noo’y nanunuod sa mga batang naglalaro ng tumbang-preso na tuwang-tuwa nang may nakatama sa lata.

“Hindi ka ba nahihirapan sa kalagayan mo, Elmo?” tanong ni Piyo.

Napatingin si Elmo sa kaniya nang marinig ang katanungan. At bago pa man sumagot ay nginitian niya ang kaniyang bagong kakilala.

“Siyempre nahihirapan din,” sagot ni Elmo. “Pero masaya pa rin ako, Piyo. Kasama ko kasi ang nanay ko. Wala man akong magarang bahay o mamahaling laruan, puno naman ako ng pagmamahal at kasiyahan mula sa nanay ko,” pagtatapos niya.

Muling naalala ni Piyo ang ina at ang kaniyang mga ginawa. Pagsisisi ang agad na naramdaman ni Piyo at hindi na niya napigilan ang pagluha. Gusto na niyang makita ang ina upang mayakap at makahingi ng tawad. Sa kaunting panahon na hindi niya nakikita ang ina ay napuno siya ng lungot at pangungulila.

“Ba’t ka umiiyak, Piyo? May nasabi ba akong masama?” tanong ni Elmo nang makita ang pagluha niya.

Umiling si Piyo habang nagpupunas ng kaniyang luha.

“Wala, Elmo. Namimi-miss ko na kasi ang mommy ko,” paliwanag niya. “Gusto ko na siyang mayakap at makasama.”

“Bata! Umilag ka! Ilag!” sigaw ng isang bata kay Piyo.

* * *

Isang lumilipad na tsinelas ang papunta sa kaniyang direksyon at hindi niya ito naiwasan. Natamaan siya sa ulo at naramdaman niya ang pagbagsak niya sa lupa. Agad na idinilat ni Piyo ang kaniyang mga mata.

Pero sa halip na kalangitan, ang nakita ni Piyo ay ang kisame ng kaniyang silid. Naramdaman rin niya ang kaniyang malambot na higaan at napansin ang liwanag na nagmumula sa bintana.

Panaginip lang pala ang lahat!

Napangiti ang bata. Agad siyang bumangon mula sa higaan at kumaripas palabas ng kaniyang silid. Hinanap niya ang kaniyang inang walang kamalay- malay sa panaginip ng anak. Nakita niya ang ina sa kusina na naghahanda ng almusal. Tumakbo si Piyo papalapit sa ina at yumakap nang mahigpit sa kaniyang baywang.

“Mommy, sorry po nagalit ako sa inyo dahil sa selpon,” sabi ni Piyo. “Simula po ngayon ay susunod na po ako sa usapan at sa lahat ng bilin niyo ni daddy. Sorry po, mommy!” paghingi ng tawad ni Piyo.

Hindi man lubos na maunawan ng ina ang nangyayari ay niyakap na rin niya ang anak. “Masaya ako at alam mo na ang pagkakamali sa hindi, anak,” tugon niya na may matamis na ngiti.

“Tara, kain na tayo.”

Opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 2020, sa kategoryang Kwentong Pambata

Leave a comment