Inosente

“‘Tol sige na, kahit limang daan lang. Sige na naman o?” huling hirit ni Totoy sa kaibigan ng gabing iyon. 

Nakatayo siya sa harap ng bahay ng kaibigan, nagbabakasakali. Sa totoo lang ay ilang sako ng lakas ng loob ang tinipon niya para masabi ang salitang ‘pautang’. Wala na kasi siyang ibang maisip na paraan para makabili ng gamot at pagkain ng kanyang lola. Ubos na ang nabale niyang pera noong isang linggo sa panaderya at alam niyang tatanggihan na siya kung babale pa siya ulit. Hindi na rin sila pinapautang sa tindahan dahil sa haba na ng kanilang listahan. Napaupo na lang sa kalsada ang binata habang kamut-kamot ang ulo. 

“Wala na kasing gamot ang lola,” sabi niya sa mahinang boses. Dama ng kaibigan ang bigat ng responsibilidad ni Totoy. 

“O sige na nga, may naitabi akong maliit mula sa alawans ko,” sabi niya sabay tapik sa balikat ni Totoy. “Sa iyo na ‘yon. Teka at kukunin ko sa loob.” 

“Naku, salamat talaga!” sagot ni Totoy sa kaniya na abot tenga na ang ngiti. Natawa na lamang ang kaibigan sa reaksyon niya na parang nanalo sa lotto. 

~~~

Masayang binabaybay ni Totoy ang isang madilim na eskinita pauwi habang bitbit ang gamot ng kaniyang lola at isang plastik ng lugaw. Hindi rin siya mapakali sa pag iisip kung bibigyan niya ng pandesal  ang kaibigan bilang maliit na pasasalamat, o kaya naman ay ensaymada na lang para sosyal ng kaunti. Napakasaya niya. Para siyang nabunutan ng tinik kahit na panandalian lamang at tiyak niyang makakatulog siya nang magaan ang pakiramdam mamaya. Ngunit naputol ang kaniyang pag iisip nang bigla siyang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa eskinatang papasok sa kanila.

“May parak! Takbo na! Takbo!” sigaw ng lalaking tumakbo na para bang hinahabol ng asong ulol.

Dinig na dinig ni Totoy ang mga mabibilis na yabag ng paa at ang walang habas na putukan mula sa kinatatayuan niya. Noong una’y hindi niya malaman ang gagawin pero mabilis siyang nakaramdam ng takot nang mapagtantong papalapit na sila sa direksyon niya. Dali siyang tumakbo palayo sa eskinita. Pinilit niyang bilisan sa kabila ng gutom habang pinipilit pang isipin kung saang lugar siya maaaring magtago. Pero tila huli na ang lahat. Mabilis na napalibutan ng mga pulis ang buong lugar. Maraming nakauniporme kahit saan at patuloy ang pagkalabit ng mga ito sa gatilyo. Umaalingawngaw ang putukan, hiyawan, iyakan. Sabay sabay ang lahat. Nakakabingi. Nakakatakot.

Huminto siya sa pagtakbo nang makita ang baril na nakatutok sa kaniya ilang metro lamang ang layo. Nanlaki ang kanyang mga mga mata. Nanlambot at nanghina ang mga tuhod na tila bibigay na kung sakaling humakbang pa siya ng isa. Unti-unti ay umagos ang luha sa kaniyang mga mata. Habul- habol ang hininga ay pilit niyang tinignan ang mukha ng tao sa harapan niya.

“Taas ang kamay!” sigaw sa kaniya. Itinaas din niya ang mga kamay bitbit pa rin ang plastik ng gamot at pagkain at ang maliit na pag- asang hindi siya masasaktan.

“Wa … wala ho akong ki… kinalaman dito, ser,” pautal pero buong tapang niyang sabi. “Inosen-“

~~~

Pilit na iminulat ng matanda ang mga mabibigat na talukap ng kaniyang mata. Noong una’y inakala niyang si Totoy ang binatang nakaupo sa gilid ng kaniyang higaan.

“Nasaan ang apo ko?” tanong niya kaagad. Kilala ng lola ang binata. Siya ang mabait na  kaibigan ni Totoy na si Jordan.

Humarap si Jordan sa matanda at di na mapigil ang pagluha. 

“Wala  na si Totoy ‘la. Nanlaban daw po siya.” 

Leave a comment