Dahan-dahang kinurba ni Grasya ang kaniyang kilay goal. Tinampal-tampal pa niya nang marahan ang mga pisngi upangbumagay sa mapula niyang labi. Ts-in-ek niya pa ang kaniyang mga pekeng pilikmata at sa huli’y nag-spray ng pabango. Inayos din niya nang mabuti ang lumuluwag nang bra straps. Nang masigurong okay na ang lahat, nagpraktis na siyang kumembot at gumiling sa isang maliit na silid. Maya-maya kasi ay magtatanghal na siya sa saliw ng musikang sasamahan ng patay-sinding mga ilaw; paliligiran ng mga matang punong-puno ng pagnanasa at kamunduhan.
Sa gabing ito ay maglalaho na ang maamong mukha ni Grasya—at lilitaw si Scarlet. Si Scarlet na lumalabas lamang tuwing kailangan niya ng perang pangmatrikula, pantawid-gutom o pantustos sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. Si Scarlet na isang stardancer sa isang nite club na minsa’y napipilitang sumama sa mayayamang kustomer. Si Scarlet na ang kagandaha’y kinukupas ng mapaglarong tadhana. Isa siyang babaeng may pangarap sa buhay ngunit biktima ng kahirapan.
“Hanggang kelan pa?” tanong niya sa sariling repleksyon sa salamin habang pinagmamasdan ang mukhang obra ng mga kolorete.
Natapos na naman ang isang gabing pagkapit sa patalim at ngayo’y balik siya sa maliit na silid. Kinuha niya ang iniingatang sobre mula sa kaniyang bag at binilang ang perang laman na bunga ng ilang gabi niyang mga luha at sakit sa pagbibigay-aliw. Higit pa sa pera ang nilalaman ng sobre. Para kay Scarlet, kalakip nito’y pag-asa na muling masilayan ang walang-koloreteng Grasya.
“Isang gabi pa,” ang naibulong na lamang niya sa sarili. Isang gabi na lamang at makukumpleto na niya ang kaniyang huling pangmatrikula. Bumuntong-hininga ang dalaga na may halong pait at pag-asa. Tumingin siya sa maliit na bintana at naaninag ang papasilip na umaga. Unti-unting gumuhit ang matipid na ngiti sa kaniyang labi. Sa wakas, nakakita siya ng liwanag sa loob ng madilim na silid ng bahay-aliwan.
Humarap siya muli sa salamin at matamang pinagmasdan ang sarili. Kaunti na lamang ay mapapahid na ang mga koloreteng bumuo kay Scarlet. At sa oras na dumating ang sandaling yaon, lilitaw na ang mukhang kinubli ng lipstik at maskara—si Grasya.
Malapit nang dumating ang panahong ‘yon.
Malapit na.
