Super B!

Isang pares ng sirang tsinelas, isang kupas at butas-butas na kamiseta at napaglumaang shorts ang suot ni Amben nang mailipat na siya sa isang Boys Town sa syudad ng Maynila, Lunes ng umaga. Doon na siya titira simula ngayon hanggang sa siya ay tumanda. Paano kasi’y may katandaan na raw siya para mamalagi pa sa isang bahay ampunan. Wala na raw magtatangkang umampon sa isang gaya niya.

Labing tatlong-taon na si Amben, palaboy, ulila na sa ama at nakakulong naman ang ina niya ayon sa mga worker ng DSWD. Wala rin siyang malapit na kamag-anak sa Maynila dahil nasa probinsya raw ang mga ito. Napunta siya sa ahensya matapos mahuli sa parke ng Luneta ng mga pulis. Noon din nila nalaman na marami na siyang mga kaso ng pagnanakaw at pandurukot kasama ang iba pang mga palaboy. Ang paggawa ng masama ang ikinabubuhay niya kapag wala siyang kinikita sa panlilimos o sa pagtitinda ng sampaguita. Ayon sa kaniya’y ang parke na ang kaniyang naging tahanan sa loob ng dalawang taon.

Mag-isang nakaupo si Amben sa tanggapan ng Boys Town at nag-aantay ng susunod na gagawin. Natapos na siyang ipakilala ng mga DSWD worker sa mga empleyado ng Boys Town at sa wari niya’y malapit ng matapos ang kanilang pag-uusap. Maya-maya’y nilapitan siyang muli ng isang worker mula sa DSWD at isa pa mula sa Boys Town.

“O Amben, ito na ang iyong magiging tirahan,” sabi ni Ginang Santos, worker ng DSWD.

“Dito, matutulungan ka nilang magbago at maging mabuti,” sabi niya tsaka nag-abot ng isang bag.

“Ito, kunin mo,” Hinawakan ng ginang ang kaniyang kanang kamay at ipinahawak ang bag.

“May mga damit diyan, brip, tsinelas at tutbras para sa’yo. Aalis na kami mamaya at sila na ang bahala sa’yo. Magpakabait ka ha,” pamamaalam niya kay Amben.

May isang buwan ding namalagi sa ahensya si Amben. Doon, ay napansin na ng mga worker ang katahimikan niya at pagiging mapag-isa. Hindi iyon naging problema sa kanila kaya’t minabuti nilang pabayaan lamang siya.

“Mag iingat ka rin,” huling bilin ng ginang sa kaniya at tumango lamang ito bilang sagot.

“Halika na Amben,” sabi naman ng worker mula sa Boys Town.

Isang dalaga na higit na mas bata kaysa sa ibang empleyado roon. Matamis ang kaniyang ngiti at mukha namang mabait. Nagpakilala siya bilang Karla at siya raw ang gagabay kay Amben sa Boys Town. Sinabihan siya nitong sumunod at ipapakita niya raw ang kaniyang magiging silid- tulugan.

Naglalakad sila sa pasilyo ng mahabang sunud-sunod na kwarto nang may nakapukaw ng pansin ni Amben. Sa gawing kaliwa niya ang mga silid at sa kanan naman ay isang maliit na hardin. Doon, isang lalake ang nakatayo, nakamasid sa kaniya habang nakangiti. Iba ang kasuotan ng lalaking iyon, iba rin ang kaniyang tindig. Tinititigan lamang siya ni Amben habang naglalakad.

“Andito na tayo,” sambit ni Karla.

Nagulat pa nang kaunti si Amben sa kaniyang pagsabi kaya’t napalingon siya rito. Ngumiti lamang si Karla sa kaniya.

“Dito ang kwarto mo, Amben,” sabi niya sabay gayak sa loob ng silid.

Nasa dulong parte na iyon at kadikit ang napakataas na pader sa labas. Anim na doubledeck na kama ang nasa loob at kaunting gamit lamang ang naroon. Naglakad si Karla sa pagitan ng tatlong pares na kama at muli namang sumunod si Amben sa kaniya.

“Tatlo lang ang magiging kasama mo rito. ‘Wag kang mag-alala dahil mababait ang mga ‘yon,” sabi niya matapos huminto sa gitna at humarap kay Amben.

“Saan mo gusto matulog?” tanong niya sa batang tila nasasabik sa malambot na higaan. Napako na ang kaniyang mata sa kutson sa may dulong kaliwa.

Hindi na nagdalawang isip pa si Amben sa pag-iisip. Dumiretso siya sa kamang iyon ng silid at tsaka inilapag ang kaniyang bag. Sinundan naman siya ni Karla at tumayo sa harapan niya.

“Maganda itong napili mo Amben,” sabi niya sabay ngiti. “O siya, kung may kailangan ka huwag kang mahihiyang lumapit sa akin, ha? Hanapin mo lang ako sa tanggapan.”

“Sa… salamat po a… ate,” sagot ni Amben kay Karla. Nagbigay naman ito ng ngiti sa dalaga. Ginulo-gulo ni Karla ang buhok ni Amben sa tuwa.

“Marunong ka naman palang magsalita, e. May tanong ka ba?” tanong niya.

“Nasaan po ang ibang mga tao?” tanong ni Amben. Kanina pa siya naroon pero ni isang bata o binatang nakatira roon ay wala siyang makita.

“A, nandoon sila sa recreation center sa kabilang building. May mga activity kasi silang ginagawa roon at lahat dapat dumalo. Kaya bukas, makakapunta ka na roon,” Paliwanag ni Karla.

“Sa ngayon, magpahinga ka muna. Makikita mo rin sila mamaya sa pananghalian,” sabi ni Karla sa kaniya. Nang wala na siyang maitanong ay iniwan na siya ni Karla sa silid.

Nang dumating ang oras ng pananghalian, sinundo ni Karla si Amben upang kumain kasama ang iba pang kalalakihang nasa Boys Town. Pumasok sila sa isang maluwag na silid na may napakaraming mesa. Napuno na rin ito ng higit sa limamnpung mga bata at binata. Doon ipinakilala ni Karla si Amben sa kanilang harapan. Kaliwa’t kanan ang tingin ni Amben sa paligid. Inoobserbahan niya ang mga tao sa harapan habang nagsasalita si Karla. Ngunit napako ang kaniyang tingin sa dulong kanan ng silid ng makita na naman niya ang lalaking una na niyang nakita sa hardin. Tulad kanina ay nakatingin siya rito at nakangiti. Mga kasing edad niya ang ilan, karamihan ay mas matatanda pa sa kaniya pero ang lalaking iyon ay higit na matanda sa kanila o maski kay Karla.

“Ituring niyo nang kapatid si Amben mula ngayon,” iyon na lamang ang mga huling salita ni Karla bago niya paupuin si Amben. Sumagot naman ang lahat ng ‘opo’.

Habang naglalakad patungo sa mesa ay nakatingin pa rin siya sa lalakeng iyon na siya rin namang nakatitig pabalik. Umupo si Amben sa isang mesa kasama ang tatlong batang mga halos kasing-edad niya.

“Sila ang iyong magiging roommate Amben,” sabi ni Karla. Doon na lamang naibaling ni Amben ang tingin niya sa ibang tao.

“Mike, Balong, Otep, simula ngayong araw ay parati niyo ng makakasama si Amben. Kayong apat na ang aalagaan ko,” sabi ni Karla sa tatlong pawang nakatingin kay Amben.

“Wala pong problema ate Karla,” sagot ni Balong na siyang pinakamatanda sa kanila sa edad na labing-apat.

“Ako nga pala si Balong, siya si Mikel at siya naman si Otep,” pagpapakilala niya sa dalawa.

Kasing edad ni Amben si Mikel at si Otep naman ang bunso nila sa edad na labing-isa.

“Ako si Amben,” pagpapakilala niya sa kanila. Nginitian naman siya ng mga ito.

“Ayan, mukhang magkakakilala na kayo. Aalis na ako para kumain. Kumain kayo ng marami ha!” maligayang sabi ni Karla bago umalis.

Hindi na muling nagsalita si Amben habang kumakain. Tinignan niyang muli ang lalaki sa dulo pero nawala na ito. Luminga linga siya sa paligid sa pag-aakalang nandoon lamang siya pero wala rin. Sa isip niya’y baka lumabas na rin iyon kasama ni Karla.

Matapos ang pananghalian ay libre ng magpahinga ang mga bata. Maaari na nilang gawin ang anumang naisin sa loob ng pasilidad. May mga naglalaro ng basketbol at iba pang laro, may mga nagkukwentuhan at may mga sumisyesta sa kanikanilang silid.

Mas pinili ni Amben na mapag-isa sa hardin sa harapan ng kanilang silid. Doon, malaya niyang minamasdan ang kaniyang paligid. Pinapanood niya sa kaniyang harapan ang mga batang naglalaro at mga empleyadong abala sa trabaho. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya. Hindi mawala sa isipan niya ang lalaking iyon. Nakaupo siya ngayon sa kung saan nakatayo ang lalaki kanina at pilit niyang hinuhulaan kung sino siya.

“Baka klawn iyon?” bulong niya sa sarili. “Pero bakit ganoon suot niya?” muli niyang tanong sa sarili. “Baka naman… isa rin siyang empleyado katulad ni ate Karla.”

“Pwede!” sagot ng lalaking iyon na ngayon ay katabi na niya.

Ikinagulat ni Amben ang biglang pagsulpot nito sa kaniyang tabi. Napatingin siya rito nang nanlalaki ang mga mata. Hindi siya nakapagsalita o nakasigaw kaya rinig na rinig ang kabog ng dibdib niya.

“Mukhang nagulat kita ha,” sabi pa niyang tumatawa tawa.

“Si… sino ka?” tanong niya matapos kumalma. Tinignan niya ng mabuti ang lalaki na ngayon ay nakaupo sa gilid niya at abala sa panonood ng mga bata sa harapan nila. Tinignan niya ito mula ulo hanggang paa.

“Ako? Ako ay Isang kaibigan,” sagot niya kay Amben na ngumingiti. “Tawagin mo na lang akong Super B.”

“Super B?” tanong niyang tila napalakas. Napalingon ang ibang bata sa kaniyang sinabi.

“Shh! Shh!” suway ni Super B. “‘Wag kang maingay Amben. Hindi nila pwedeng malaman ang pangalan na iyon,” sabi niya habang natatawa. “Sikreto lamang natin iyon!” sabi niyang bumubulong.

“Pasensiya na,” sagot niyang ngayon ay bumubulong na. “Akala ko kasi nagbibiro ka lang.”

Nagkatinginan ang dalawa sa mata na para bang doon sila nag-uusap tsaka sila biglang humagikgik sa kakatawa.

Halatang napalagay agad ang kalooban niya sa lalaki. Nagkwentuhan silang maghapon sa hardin na iyon hanggang sa magdilim. Maraming sikretong sinabi si Super B sa kaniya. Hindi lang daw iyon simpleng sikreto kundi mga sikretong ‘malupet’. Bilib na bilib si Amben sa kaniya na isa palang tagapagligtas. Kaya pala ganoon ang kasuotan niya– puting damit na hapit na hapit sa buo niyang katawan, isang maskarang puti na mata lang ang natatakpan at isang mahabang kapang pula. Super hero pala siya, tagapagligtas ng mga nasa panganib, nilalabanan ang mga masasamang loob at prinoprotektahan ang mga api..

“Ngapala Super B, bakit hindi ka nila pinagkakaguluhan?” tanong ni Amben sa kaniya sabay turo sa mga empleyado at mga batang nakikita nila.

“Marami akong kapangyarihan Amben. At isa roon ay ang pagiging invisible,” sagot naman ni Super B.

“In… bi… ano?” ulit ni Amben. Natawa na lamang si Super B sa kaniya.

“In-vi-si-ble,” ulit ni Super B.

“Ibig sabihin, hindi nila ako nakikita sa ngayon. Ikaw lang ang tanging nakakakita sa akin,” sabi niya, sabay ngiti sa batang makikita ang pagkabilib sa mga kumikinang niyang mata.

“Talaga?” paniniguro ni Amben. “E bakit, ako, nakikita kita?” tanong niyang muli.

Hinaplos haplos ni Super B ang buhok ni Amben at ngumiti ng matipid.

“Kasi espesyal ka sa akin, Amben. Mahirap ipaliwanag pero espesyal kang bata,” paliwanag ni Super B.

“Espesyal?” tanong ni Amben sa sarili. “Ako? Espesyal kay Super B?” muli niyang sabi.

Pakiramdaman niya’y lumulutang siya sa ere sa mga naririnig niyang salita mula kay Super B. Napakasarap sa pakiramdam ng mga salitang iyon.

“Oo Amben, espesyal ka sa akin,” ulit naman ng tagapagligtas sa kaniya.

Sa gitna ng kanilang usapan ay biglang naging seryoso ang mukha ng tagapagligtas. “May problema ba? May nangangailangan ba ng tulong mo?” sabik na tanong ni Amben sa kaniya.

“Mukhang ganoon na nga,” sagot ni Super B.

“Dadalawin kitang muli kaibigan,” sabi niya sabay tapik sa likuran ni Amben. Unti-unti siyang umangat mula sa pagkakaupo at napunta sa harapan ni Amben. Hindi makapaniwala ang bata sa nakikita. Lumulutang si Super B sa harapan niya. Totoong may kapangyarihan nga siya.

“Paalam, kaibigan,” Bumulusok paitaas si Super B at lumipad ng mabilis sa himpapawid.


Naiwang nakatingala si Amben sa kalangitan. Hindi pa rin makapaniwala sa nakilalang kaibagan na tagapagligtas. Pakiramdam niya’y sasabog ang puso niya sa saya at tuwa. Noon na lamang niya iyon naramdaman. Noon na lamang siya nakaramdam ng sobrang ligaya.

“Amben!” tawag ni Karla sa kaniya. “Oras na ng hapunan. Halika na.”

Mula noon ay panay na ang dalaw ng tagapagligtas kay Amben sa pasilidad. Halos araw-araw ring umaalis ng biglaan si Super B kapag nakakarinig ng mga saklolo at nangangailangan mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Sa kabila noo’y naging isang sikreto pa rin ang kanilang pagkakaibigan.

Hindi nagtagal, nasanay rin si Amben sa buhay sa Boy’s Town. Lumipas ang isa at kalahating buwan nang hindi niya namamalayan. Natuto na rin siyang makisalamuha kina Balong, Mike at Otep gayundin sa ibang mga bata roon. Naging madali na sa kaniya ang pakikipagkaibigan. Malaking tulong rin ang naibibigay ni Karla sa bata. Dahil sa dalaga’y natututo si Amben ng magandang asal. Isang bagay na hindi naituro ng pamumuhay niya sa parke maging nang mga magulang niya.

“Goodnight, mga bata,” paalam ni Karla.

“Goodnighti rin sa’yo ate Karla,” sagot ng tatlo bago lisanin ni Karla ang kanilang silid-tulugan. Gabi- gabi ay dinadalaw niya ang mga bata bago matulog. Sa pasilidad na rin kasi siya nanunuluyan kaya madali lamang niya itong gawin lalo na at itinuturing niya silang mga nakababatang kapatid.

Hindi pa agad nakatulog ang mga bata nang umalis si Karla. Nagkwentuhan muna sila habang inaantay ang pagdalaw ng kanilang antok.

“Amben?” isang boses ang narinig ni Amben. “Amben!” ulit niyon na nagmumula sa labas ng kanilang silid. Agad na bumaba si Amben sa kanyang kama, nagsuot ng tsinelas at nagmartsa palabas.

“San ka pupunta Amben?” tanong ni Balong sa kaniya. Huminto naman sa paglalakad si Amben at tsaka humarap kay Balong na nasa itaas ng kama. Sa ibaba niya ay si Mike na napatingin rin sa kaniya samantalang himbing na himbing na sa pagtulog si Otep sa kamang pagitan nina Mike at Amben.

“A… sa labas lang kuya. Tinatawag kasi ako ng kaibigan ko,” Lumingon si Balong sa orasan malapit sa pintuan.

Mag-aalas nwebe trenta na ng gabi, dapat ay tulog na o nasa loob ng silid ang lahat ng bata sa mga oras na iyon.

“Mabilis lang ‘to kuya. Pramis, mabilis lang,” sabi niya habang tuluy- tuloy ang paglalakad palabas. Wala ng nagawa pa sina Balong at Mike kundi ang hayaan siya. Nagkatinginan na lang ang mga ito nang nagtataka.

Dumiretso si Amben sa hardin. Alam niyang si Super B ang tumatawag sa kaniya kanina. Hindi siya maaaring magkamali sa boses na kaniyang narinig. “Super B?” tawag niya sa tagapagligtas. “Nandito na ako, Super B!” tawag niya muli.

Maya- maya’y lumipad paibaba si Super B sa harapan niya at lumapag sa lupa. Puno siya ng galos sa mga braso at binti maski sa mukha. Punit- punit ang kaniyang damit maski ang kaniyang kapa. Nawala rin ang maskarang puti na nasa mata niya.

Tinignan ni Amben ang mukha ni Super B. Tila nakikilala niya ito pero hindi niya maalala kung saan niya nakita ang mukhang iyon.

“A…anong nangyari sa’yo Super B?” tanong ni Amben sa kanya. “Akala ko ba malakas ka? Ba’t ganyan ang itsura mo?” tanong niyang muli.

Malungkot ang mukha ni Super B. Bagsak ang kaniyang mga balikat nang maglakad ito papunta sa isang upuan sa hardin. Sinundan naman siya ni Amben at umupo rin ito sa kaniyang kanan, nag- aantay pa rin ng sagot mula sa kaibigan.

“Nakaharap ko ang isa sa mga pinakamalakas kong kalaban, Amben,” sagot ni Super B sa kaibigan.

“Sino? Natalo mo ba siya? Nanalo ka ba?” sunud- sunod na tanong ni Amben kay Super B. Tumingin lamang ang tagapagligtas sa kaniya.

“Oo,” mahina niyang sagot.

“Ayos!” sabi ni Amben na napatalon pa at napasuntok paitaas. “Ang galing mo talaga Super B! Wohoo!” sabi niya sabay harap sa kaibigan. “Sino? Sino ang nakalaban mo?” tanong niyang muli. Sabik siyang malaman kung sino ang natalo ni Super B sa bakbakan. Sabik siyang malaman kung paano natalo ng kaibigan ang pinakamalakas niyang kalaban.

“Siya ay…” bitin ni Super B tsaka huminga ng malalim. “Siya ang tatay ko,” sagot niyang tumingin kay Amben. “Nakalaban ko… at napatay ang tatay ko, Amben.”

Nagulat si Amben sa sinabing iyon ni Super B.
Umalingawngaw ang salitang ‘tatay’ sa kaniyang isipan. Bigla niyang naalala ang tatay niya. Bigla niyang naisip ang mga panahong nabubuhay pa ang tatay niya. Bigla siyang nakakita ng isang batang labis ang pag-iyak sa sulok ng barung-barong na gawa sa tagpi-tagping yero at plywood dahil sa pambubugbog na ginawa ng lasinggerong ama. Bigla niyang nakita ang isang babaeng hindi matigil ang pag-iyak sa tabi dahil sa hindi niya nagawang protektahan ang anak. Narinig niyang muli ang mga iyakan, sigawan, at ang tunog ng bawat suntok at hampas na dumadampi sa mukha at katawang ng bata at ng ina.

Natulala si Amben. Nanigas ang buo niyang katawan at biglang namawis nang malamig. Nakita niya uli ang mukha ni Super B na unti- unting naglalaho. Unti-unti ring lumabas ang mukha ng batang kanina ay umiiyak. Napalitan iyon ang naglahong mukha ng tagapagligtas na kaibigan. Umiiyak pa rin iyon at may gustong sabihin. Pinipilit unawain ni Amben ang sinasabi ng bata pero hindi niya ito marinig. Tinignan niya itong mabuti at tsaka niya ito nakilala. Mas nanlamig ang buong katawan ni Amben ng makilala ang bata. Hindi siya pwedeng magkamali. Siya iyon. Siya ang batang iyon.

“Amben?” tanong ni Karla na inilawan si Amben sa hardin gamit ang isang flashlight. Kasama ni Karla si Balong na tumawag sa kaniya at nakasilip naman sa may pintuan si Mike.

Hindi sumagot si Amben. Hindi niya ata narinig si Karla.
“Pumasok ka na muna sa loob,” bilin ni Karla kay Balong. Sumunod naman sa utos ang binatilyo at sinamahan si Mike sa may pintuan.

“Amben?” muling sabi ni Karla habang naglalakad papalapit sa bata. “Amben?” tawag niya at tsaka niya tinapik sa likod ang bata.

“Huwag!” sigaw ni Amben at tsaka tinakpan ang kaniyang mukha. “Tama na po! Tama na!” sigaw ni Amben na humahagulgol na pala.

Nabitawan ni Karla ang flashlight sa kamay niya. Lumuhod siya at hinawakan sa mga balikat ang bata upang iharap sa kaniya.

“Amben? Anong nangyayari sa’yo? Ako to, Amben. Ako to, si ate Karla.” sabi niyang inaalog alog pa si Amben.

Walang kaalam alam si Karla sa nangyayari kay Amben. Puno siya ng gulat at higit sa lahat ay pag- aalala.

“Amben? Amben?” muling tawag ni Karla sa bata. Ngayon naman ay pinipilit niyang alisin ang mga kamay ni Amben. “Amben, si ate Karla to. Amben?” ulit niyang halatang halata ang pagkataranta sa kaniyang boses. “Si ate Karla ito, Amben.”

Sa wakas ay ibinaba na ni Amben ang kaniyang mga kamay. Niyakap niya si Karla ng mahigpit habang pilit na pinapatahan ang sarili. “Ate, tulong. Ate tulungan mo ko!” pagmamakaawa niya.

Matapos ng pangyayaring iyon ay pinatulog ni Karla si Amben. Inantay rin nina Balong at Mike na makatulog ang kaibigan. Maging sila ay nag-aalala at nagtataka sa nangyari at sa inugali ni Amben kanina.

“Bakit po ganoon?” sabi ni Mike kay Karla. Nilingon ni Karla ang bata na nakatingin sa sahig. Kapwa nakaupo ang tatlo sa kamang bakante sa tapat ni Amben habang malalim na ang tulog ni Otep sa gilid.

“Ilang araw ko nang nakikita si Amben na nandoon sa hardin mag-isa. At…” hinto niya sabay tingin kay Karla. “Parati siyang may kausap. Pero mag-isa lang siya, ate. Wala siyang ibang kausap kundi ang hangin.”

“Kanina,” sabi ni Balong. “Sinabi niya sa amin na may tumatawag sa kaniya bago siya lumabas. Pero wala naman kaming narinig na boses. “Patuloy ni Balong. “Kaya lumabas kami ni Mike para silipin siya. Doon ko napatunayan na totoo ang sinasabi ni Mike, ate, na may nakakausap siyang hindi namin nakikita.”

“Multo ba ‘yon ate?” tanong ni Mike. “Multo ba ang nakikita ni Amben?”

Tumingin lang sa kanila si Karla. Hindi niya alam ang sasabihin sa dalawa dahil hindi niya rin talaga alam ang nangyayari kay Amben. Matagal-tagal na niyang alaga si Amben pero hindi niya napapansin na may iba sa bata. Parati siyang masayahin sa harap niya at masigla sa lahat ng gawain kasama ang ibang mga bata. Wala sa kanyang isip na may pinagdadaanan ang batang mukhang normal katulad ng iba.

“Hindi ko alam, e.” Pag amin niya sa dalawa. “Pero ang alam ko lang, kailangan ni Amben ang tulong at pag-iintindi natin.” sabay lingon sa batang nahihimbing na ang tulog.

Iniwan na niya ang mga batang nangakong matutulog na rin. Dumiretso siya sa security office ng pasilidad upang tignan ang nga cctv footages na malapit sa hardin. Doon na niya nakita na totoo nga ang mga sinabi nina Mike at Balong.
Ilang footages ang nagpakitang masaya siyang may kinakausap sa hardin, may kalaro o tumatawa mag-isa. Ilang gabi rin na lumalabas siya at pumupuslit upang makipag usap sa kung sinong hindi nakikita ni Karla.

Sunod namang tinignan ni Karla ang records ni Amben.
Ikinagulat niyang hindi lang pala siya isang simpleng kaso ng pagiging palaboy.

Ayon sa report, nakulong ang ina niya dahil sa pagpatay sa sarili niyang asawa. Mapanakit, mabisyo at mapang abuso ang asawa niya ayon sa report na nakasulat at sinabing murder ang kaso. Hanggang doon na lamang ang report tungkol kay Amben. Sa hula ni Karla, simula noon ay naging palaboy na siya sa iba’t ibang lugar hanggang sa nakarating siya at namalagi sa Luneta.

Kinaumagahan, kinamusta agad ni Karla ang mga bata sa kanilang silid. Lumabas na ang tatlo ngunit nakahiga pa rin si Amben sa kaniyang higaan.

Umupo si Karla sa gilid ng kama ni Amben. Nakatalikod naman si Amben at nakaharap sa pader.

Hindi alam ni Karla kung paano uumpisahan ang pakikipag usap sa bata. Marami siyang gustong itanong pero hindi niya alam kung paano ito itatanong sa batang parang hindi na niya kilalang muli.

“Halika na at mag-agahan na tayo Amben.” sabi ni Karla.
“Busog pa po ako. Mamaya na lang po ako kakain.” sabi ni Amben na lumayo ng kaunti sa kaniya.

Ayaw sumuko ni Karla. Alam niyang may mali kay Amben at kailangan niyang tumulong. “Gu… gusto mo bang… ipakilala sa akin ang kaibigan mo?” tinapangan ni Karla ang pagtatanong kay Amben.

Bigla namang napaupo sa gulat si Amben. “Talaga ate?” tanong niyang hinarap pa si Karla. Kitang kita ang sayang lumiwanag sa kaniyang mukha. “Gusto mong makita si Super B?” tanong niyang muling sobrang interesado sa isasagot ng dalaga.

“Oo naman.” sagot ni Karla habang nakangiti sa kanya. Masaya siya sa sayang nakikita kay Amben. “Gusto ko ring makita at makilala ang mga kaibigan ng alaga ko.

Muling sumigla ang boses ni Amben. Nag-umpisa siyang magkwento tungkol sa kaibigang tagapagligtas raw ng mga naapi. Nagpakita pa rin ng interes si Karla at sinabing aantayin nila si Super B sa hardin sa hapong darating.

Nang hapong ding iyon, puno ng pag-asang nag-antay si Amben sa hardin sa pagdating ni Super B kasama si Karla. Habang nag-aantay ay nag umpisa namang magkwento si Karla tungkol sa kaniyang sarili. Pilit niyang inaaliw ang batang kailangan niyang intindihin. Nagkwento siya mula ng siya ay bata hanggang sa kasalukuyan. Sinabi niyang nagtapos siya ng kolehiyo sa kursong Psychology at ang pangarap niyang maging ganap na doktora. Interesadong malaman ni Amben ang kursong iyon ngunit sabi lamang ni Karla’y isa itong mahirap pero masayang kurso.

Unti- unti’y binuksan rin ni Amben ang kaniyang sarili sa tagapag- alaga. Ayon sa kaniya, pangarap niyang maging isa ring tagapagligtas tulad ni Super B. Gusto niyang maging tagapagligtas ng naaapi at mga nasa panganib. Nagkwento rin siya ng mga naaalala niya sa kaniyang pamilya lalo na sa kaniyang ina.

“Napakabait ng Inay ko ate Karla. Parati niya akong binubusog at inaalagaan.” kwento niyang punung- puno ng sigla habang patuloy na nakikinig sa kaniya si Karla. “Parati kaming naglalaro o kaya ay pumapasyal sa Luneta. Pero ang Tatay…” hinto niya.

Tumingin lang si Karla sa kaniya habang nag aantay ng mga susunod na salita pero agad niyang napansin na nagbago ang timpla ng mukha ng bata. Nawala ang saya ng kaniyang mga mata at napalitan ng blankong ekspresyon maging ang kaniyang mukha.

“Demonyo ang Tatay ko.” walang kasing lamig ang mga salitang iyon mula kay Amben. Nagulat si Karla sa narinig pero ayaw niya munang magsalita. “Parati niya akong sinasaktan kapag lasing siya. Parati niya kaming binubugbog at pinapahirapan ni Inay noon.” kwento niya habang nilulukot ang manggas ng kaniyang shorts. “Kaya naman…”

“Kaya naman?” ulit ni Karla na halos hindi makapaniwala sa mga naririnig. May takot siyang nararamdaman pero may lungkot rin at sakit sa puso dahil sa hirap ng pinagdaanan ni Amben. Nasasaktan siya para sa alaga.

“Kaya naman noong isang gabing binubugbog niya si Inay…” hinto niyang muli tsaka tumingin kay Karla. Tinignan rin siya ni Karla sa mata.

“Sinaksak ko siya sa dibdib. Ayon, bumulagta,” bitiw ni Amben na parang simpleng bagay lang ang kaniyang sinabi at biglang tumingala sa kalangitan.

Ikinabigla ni Karla ang pagsisiwalat ni Amben sa nangyari. Hindi niya alam kung paano siya gagawa ng reaksyon sa mga narinig. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin kay Amben. Hindi sukat akalain ni Karla na ganoon ang nangyari sa pamilya ng batang napakagiliw sa kaniya at lalong hindi siya makapaniwala sa nagawa nito sa sarili niyang ama. Isang luha ang pumatak mula sa mata ng dalaga nang hindi niya namamalayan. Agad niya itong pinunasan at pinigilan ang mga ngababadya pang pumatak.

“O ate! iyan na pala si Super B, e,” sabi ni Amben na biglang tumuro sa harapan nila mula sa taas, paibaba. Kumaway pa ito kasama ang napakatamis na ngiti.

Nawalang parang bula ang blankong ekspresyon ni Amben mula kanina. Bumalik ang masigla at punung-puno ng sayang bata sa harapan niya. Numingning ding muli ang mga mata niyang sabik makausap ang tagapagligtas na kaibigan.

Hindi na nakaimik pa si Karla at nilingon ang direksyong itinuro ni Amben kung nasaan nakalapag na raw si Super B. Ngunit, walang ibang tao sa paligid nila kundi silang dalawa lamang.

Ang “Super B!” ay nagkamit ng unang gantimpala sa inter-org competition na #MySuperHero Short Story Writing Competition sa KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibugo, Liriko, at Titik.

Unang nailathala sa KADLiT: Katipunan ng Alternatibong Dibuho, Liriko, at Titik.

Leave a comment