TATLONG DAGLI NG NGAYON

KAMERA

Magsa-sampung minuto nang nakatayo sa labas ng isang photo studio si Manny. Ganoon na rin katagal ang pagtitig niya sa isang malaking litratong nakakuwadrado sa likod ng salaming pader. Litrato ito ng bulubunduking tanawin na nababalutan ng kahel na liwanag mula sa papalubog na araw.

Napapamangha pa rin siya. Kinikilig. Tulad ng kilig niya noong una siyang makagamit ng kamera. Sariwa pa sa kaniyang alaala ang pananabik niyang sumilip sa maliit na lente at pumindot sa bilog na buton.

Kinagiliwan niya ang pagkuha.

Kaya’t nang nakaipon, nagtayo siya ng sariling studio. Tinangkilik ito ng mga tao, maging siya bilang litratista.

Pero nagbago ang panahon.

Kasabay ng pagtanda niya ay ang pagtanda rin ng kaniyang kamera. Tila napag-iwanan siya ng oras. Naubusan siya ng film. Magaling pa rin siyang kumuha pero wala siyang panama sa teknolohiya.

Tinignan ni Manny ang kaniyang relo. Alas singko na ng hapon.

“Magsasara na ako.”

TATTOO

“Halika dito anak! Kakandungin na lang kita,” bulong ng isang ina sa anak sa loob ng dyip bago pa ito lumarga.

Tumabi kasi sa kanila ang isang lalaking may mahabang buhok, nakasalamin ng itim, puno ng butas ang mga tenga at tadtad ng tattoo ang mga braso at leeg.

Natakot ang ginang lalo na’t nginitian ng lalaki ang kaniyang anak.

“Huwag na huwag kang lalapit sa mga taong ganiyan,” bulong ng ina sa anak.

“Bakit po, ‘nay?” tanong ng inosenteng bata.

“Masasamang tao ang mga ganiyan. Baka isa siyang kriminal, o adik, o kaya ay bagong-laya,” sagot ng ina.

Patuloy pa rin ang ina sa pagsasalita hanggang sa hindi na niya namalayan kung nasaang dako na sila.

“Anak ng! Ma, para!” sabi ng ginang na hinataw na ang kisame ng dyip nang ilang ulit.

Lumpagpas na kasi sila sa kanilang destinasyon—sa tanging simbahan ng kanilang maliit na baryo.

HASHTAG

“Oh—my—god,” sambit ni Patricia nang makita ang inutusang kaibigan na may bitbit na dalawang cup ng frappe mula sa Starbucks.

“Girl, bakit ka gumagamit ng plastic straws?” tanong niya sa kaibigan nang iabot nito ang ipinabiling inumin. Kinuha naman ni Patricia ang sa kaniya at hinugot ang straw. Ipinakita niya ito sa kaibigan at iwinagayway nang kaunti.

“Hindi mo ba alam na thousands of turtles ang namamatay dahil sa plastic straws?”

“Kailangan no to plastic na tayo,” patuloy niya bago humugot mula sa kaniyang bag. Inilabas niya ang nabiling stainless straw mula sa online shopping.

Matapos nito’y inilabas niya ang kaniyang mamahaling iPhone 11 at kumuha ng selfie kasama ang kaniyang inumin at ang straw. In-upload niya ito sa kaniyang Instagram na may kasamang mga hashtag:

#NoToPlasticStraw

#SaveTheTurtles

#SavePlanetEarth

#EarthWarrior

Pagkatapos nito’y initsa na lang ni Patricia ang kinumpiskang plastic straw—na lumapag na lang sa kung saan-saan.

Opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 2020, sa kategoryang Dagli

Leave a comment